![jeep bumaliktad (1)](https://bagongaurorawebsitengbayan.wordpress.com/wp-content/uploads/2012/04/jeep-bumaliktad-1.jpg?w=150&h=112)
Sa paunang imbestigasyon ng pulisya ng Ma. Aurora, galing ng San Jose City, Nueva Ecija ang sasakyan sakay ang 17 na magkakamag-anak kasama na ang driver na si Edgardo Martinez, 55 anyos na pawang mga residente ng naturang lungsod para sana dumalo sa kasal ng kanilang kamag-anak sa Baler, Aurora.
Nagbawas diumano ng kambyo (lowgear) ang driver ng dumating sa pababang bahagi ng naturang lansangan subalit nawalan ng preno at bumaliktad ang sasakyan dahil pinilit ng driver na iliko ito para hindi mahulog sa may 30 talampakang lalim ng bangin.
Agad isinugod ng mga residente at nagdaang mga motorista sa Aurora Memorial Hospital ang sugatang mga biktima subalit inilipat sa isang pagamutan malapit sa kanilang lugar.
Magugunita na sa lugar ding iyon nahulog ang isang Elf truck noong Disyembre 2009 na ikinasawi ng 10 tao at pagkasugat ng 17 iba pa na makikipagkasalan lamang sana sa isang kamag-anak sa Maria Aurora.
Oktubre ng kapareho ring taon ng mahulog naman ang isang gasoline tanker at tumapon lahat ang laman nitong 16,000 litro ng gasolina kung saan nasugatan at nabalian ng buto ang driver nito at sugatan rin ang dalawang nitong pahinante.
![jeep bumaliktad](https://bagongaurorawebsitengbayan.wordpress.com/wp-content/uploads/2012/04/jeep-bumaliktad.jpg?w=150&h=112)
Ayon sa mga residente, marami pang sumunod at naunang mga aksidente ang nangyari sa pook na iyon kaya dapat na diumanong kumilos ang DPWH upang malimitahan kundi man mawala ang mga aksidenteng nagaganap sa naturang lugar.
Ayon naman kay District Engineer Elmer Dabbay ng DPWH-Aurora, hindi sila nagkulang ng mga warning signs sa lugar at dobleng pag-iingat lang ang dapat gawin ng mga motoristang dadaan sa naturang lansangan.
Pinayuhan rin ni Dabbay ang mga motorista na siguruhing nakakondisyon ang mga sasakyan kung dadaan sa SLAMAC road at huwag magkarga ng hihigit sa sampung tonelada upang makaraan sa Canili-Diayo dam ng National Irrigation Administration. (Ronald Madrid Leander)