Archive for July 31st, 2014

July 31, 2014

Pagtalaga sa Maria Aurora ng Municipal Sanitary Inspector, Hiniling

by Bagong Aurora Website ng Bayan

ferdMARIA AURORA, Aurora-Nanawagan si Provincial Sanitary Inspector II Crisostomo Bitong sa Sangguniang bayan Members ng Maria Aurora na magtalaga ng Municipal Sanitary Inspector sa nasabing bayan.

Ang kahilingan ay inilahad ni Bitong sa session ng konseho nitong Lunes na ginanap sa Brgy. San Jose.

Ayon sa panlalawigang komite ng sanidad malaking abala para sa kanya ito dahil siya na rin ang tumatayong sanitary inspector ng Maria Aurora.

Sinabi ni Bitong na sa 8 bayan kasi ng lalawigan ay bukod tanging ang Maria Aurora,Aurora ang walang sariling Sanitary Inspector.

Samantala, Pag-aaralan umano ng Sangguniang bayan ang kahilingan ng Provincial Sanitary Inspector sa Pangunguna ni Presiding Officer, Vice Mayor Ariel Bitong.

Ayon naman sa mga konsehal ng bayan doon, problema talaga ang kakulangan ng empleyado sa munisipyo dahil maging sila man ay kulang umano ng Staff. (Ferdinand Pascual)

July 31, 2014

Monitoring Checkpoint ng Aurora PNP, Ililipat na

by Bagong Aurora Website ng Bayan

ferdMARIA AURORA, Aurora-Pinagtibay na nitong lunes ng Sangguniang Bayan ng Maria Aurora ang kahilingang ilipat ang Monitoring Checkpoint ng Aurora Prov’l. PNP sa bukana ng lalawigan ng Aurora na nasasakupan ng Brgy. San Juan.

Ang resolusyon na isinulong ni Ma. Aurora Councilor Oliver Farin ay naglalayong mapaigting pa ang pagbabantay ng pulisya sa anumang uri ng sasakyang pumapasok at lumalabas sa lalawigan.

Nakasaad sa nasabing Resolusyon na ililipat ito sa tabi ng National Irrigation Administration.

Kung magsama-sama raw ang mga Monitoring Checkpoint sa entry point ng nasabing bayan ay lalo pang mapapaigting ang pagsubaybay laban sa posibleng pagpasok ng Scale Insects o Pesteng Cocolisap na posibleng makapaminsala sa mga niyugan at iba pang pananim. 

Maging ang mga hayop na may taglay na sakit at iba pang mga ilegal na kargamento ay hindi makakaligtas sa oras na ito ay ipatupad. (Ferdinand Pascual)

July 31, 2014

P’noy, Matapat sa Panunungkulan

by Bagong Aurora Website ng Bayan

ferdBALER, Aurora-Nanaig pa rin ang naniniwalang naging matapat ang ginagawang panunungkulan ni Pangulong Aquino sa kanyang panunungkulan.

Sa naging resulta sa Opinyon ng bayan sa programang Hataw balita ukol sa tanong na maituturing bang maayos at matapat ang administrasyong Aquino? Nakikita na ba ang mga halimbawa sa pagtahak sa tuwid na daan ni Pnoy?

50% sa mga texter na mula sa ibat-ibang dako ng Aurora at ilang mga karatig lalawigan ang nagsabing marami sa  mamamayan na puro negatibo lang ang nakikita sa pangulo at hindi ang mabubuting ginawa nito sa bayan.

Anila, ang administrasyong Aquino lang naman daw ang kumastigo sa mga pasaway na opisyal ng Gubyerno.

30% naman sa mga texters ang nagsabing nagpaliko-liko na daw ang pangakong tuwid na daan ni Pnoy.  Marami pa rin daw kasi ang Corrupt sa Gubyerno at habang may nangungurakot ay wala pa ring pag-asang umangat ang  pamumuhay ng mga Pilipino.

Ayon pa sa mga texter, marami pa rin daw ang dapat na isaayos dahil mas marami pa rin ang mga likong daan sa administrasyong Aquino.

Samantala, 10% naman sa mga taga-Aurorang nakiisa ang nagsabing hindi naman daw si P’noy ang gumagawa ng katiwalian kundi ang kanyang mga disipulo.

Habang 10% rin ang nagpahayag na hindi na bago ang ginagawang hakbang ng mga militanteng grupo dahil ganito rin daw ang naging sitwasyon sa mga naunang Administrasyon. (Ferdinand Pascual)

July 31, 2014

Empleyadong Sangkot sa Droga sa Munisipyo, Sisibakin

by Bagong Aurora Website ng Bayan

ferdMARIA AURORA, Aurora-Nagbabala si Maria Aurora Mayor Amado Geneta na sisibakin ang mga empleyado ng pamahalaang bayan na mapapatunayang sangkot sa operasyon ng ilegal na droga.

“Numero uno sa aking programa ang pagsugpo sa mga ilegal na aktibidad lalo na ang pagtutulak at paggamit ng mga ipinagbabawal na gamot gaya ng shabu,” pahayag ng Alkalde.

Sinabi ni Geneta na wala pa naman silang matibay na basehan kung sa Maria Aurora nga nanggagaling ang lumalaganap na shabu sa ibat-ibang dako ng lalawigan dahil wala pa naman umanong nadidiskubreng laboratoryo sa kanyang nasasakupan.

Sa pangunguna ng mga kawani ng Pulisya, hindi naman umano sila tumitigil sa pagtugis sa mga sangkot sa operasyon ng ilegal na Droga sa nasabing bayan.

Ipinagmalaki ni Geneta na nasa 15 na shabu pusher na ang nasakote at naipakulong simula ng siya ay  manungkulan bilang Alkalde sa nasabing bayan.

Payo nito sa mamamayan lalo na sa mga kabataan na umiwas sa nasabing bisyo dahil wala namang magandang maidudulot ito sa sinuman kundi ang pagkasira ng kalusugan at kinabukasan. (Ferdinand Pascual)