Archive for July 27th, 2014

July 27, 2014

75% Nagsabing Dapat na Kumilos ang Pamahalaan sa Problema sa Lupa sa Dingalan

by Bagong Aurora Website ng Bayan

ferdBALER, Aurora-Dapat umanong umaksyon ang mga opisyales ng panlalawigan at lokal na pamahalaan na huwag hayaang paalisin ang mamamayan sa 28 libong ektarya ng lupain ng Dingalan na inaangkin ng isang indibidwal.

Iyan ang sigaw ng taong bayan sa lalawigan ng Aurora na nakiisa sa Opinyon ng bayan nitong Miyerkules  sa programang hataw balita.

Batay sa resulta,75% ang nagsabing hindi dapat hayaan ng gubyerno na sakupin ng Green Circle Corporation na pag-aari umano ng isang Atty. Romeo Roxas ang tatlong brgy. sa Dingalan, Aurora.

Anila, kung may titulo ang lupain na nakapangalan sa isang pribadong kumpanya o indibidwal, marahil ay may nangyaring katiwalian sa pagitan ng bumili at ahensya ng gobyernong may pananagutan sa nasabing usapin.

Wala umanong karapatan ang sinuman na angkinin ang lupain na tinitirikan ng tahanan ng taong bayan at pinagkukunan ng kanilang kabuhayan para lang sa sariling interes.

Samantala, nasa 25% naman sa mga texter ang nagsabing walang magagawa ang taong bayan na naninirahan doon dahil ang kumpanya ang nagmamay-ari at sa kanila titulado ang nasabing lupain.

Payo ng ilan, sakali man na pag-aari nga ito ng isang pribadong kumpanya ay hayaan na lang ang mga residenteng manirahan doon upang maiwasan ang karahasan na posibleng maganap kung pipiliting paalisin ang mga naninirahan sa nasabing lupain. (Ferdinand Pascual)