Archive for July 13th, 2014

July 13, 2014

Opisyales ng mga Barangay at Iba pang Organisasyon, Nagpulong Versus Green Square Corp.

by Bagong Aurora Website ng Bayan

Nelvie Broncate PhotoDINGALAN, Aurora-Nilahukan ng apat na barangay councils sa bayang ito ang pagkilos  laban sa di umano’y panggigipit ng Green Square Corp. (GSC) sa mga residente at maging mga mangangalakal na nagtutungo sa barangay Umiray.

Kaugnay ito ng katatapos na joint session na nilahukan ng mga opisyal ng barangay Aplaya, Matawe, Ibuna at Umiray kamakailan na kung saan dinaluhan ito nina Bokal Mariano Tangson, Elmer Maneja at Joel Ocampo mula sa Commission on Human Rights Region 3,  iba’t-ibang non-government organization, religous groups at mga kinatawan ng Pambansang Katipunan ng Makabayang Magbubukid (PKMM).

Ang pulong ay idinaos sa barangay hall ng Umiray pero walang kinatawan na nakadalo mula sa GSC na pagmamay-ari ni Atty. Romeo Roxas.

Si Roxas ang proponent ng naudlot na Pacific Coast Cities multi-billion project na naudlot matapos mapatalsik ang dating Pangulo at ngayo’y Manila Mayor Joseph Estrada noong 2002.

Bukod sa modernong mga pasilidad at istruktura, ang proyekto ni Roxas ang lulutas daw sana sa suliranin ng trapiko sa Kalakhang Maynila.

Sa ginanap na pulong, unang inireklamo ang  ginagawang pagbabawal umano ng GSC na magpasok at maglabas ng mga kalakal sa Umiray.

Hinaing ng mga residente, hindi raw makatarungan ang ginagawang panghaharang at paglalagay ng checkpoint na nakatayo hindi kalayuan sa sentro ng barangay Ibuna.

Gagawa umano ng petisyon ang mga konseho at residente upang tuluyang gibain at alisin ang barikada at konkretong checkpoint.

Apektado rin maging ang P10 irrigation project na dapat sana’y isasagawa ng National Irrigation Administration (NIA) sa barangay Umiray matapos pagbawalan ng GSC maging ang pagpasok ng mga materyales na gagamitin sa konstruksyon.

Ayon naman sa kinatawan ng Commission on Human Rights (CHR) na sina Elmer  Maneja at Joel Ocampo, may paglabag sa karapang pantao sa ilalim ng civil economy and cultural rights ang hakbang na ito ng Green Circle.

Karamihan umano sa mga nagmamay-ari ng lupain sa brangay Umiray ay benepisyaryo ng Certificate of Land Ownership Award (CLOA).

Pero nasasakupan umano ang mga ito ng 28,000 ektaryang pribadong lupain na pag aari ni Atty. Roxas kaya’t nagagawa umanong gipitin ang mga residente sa lugar. (Nelvie Broncate)