Archive for July 8th, 2014

July 8, 2014

Usaping Pangkalusugan, Problema sa Dingalan

by Bagong Aurora Website ng Bayan

Dingalan community hospitalDINGALAN, Aurora-Problemado na ang ilang residente sa bayang ito pagdating sa usapin sa kanilang kalusugan na kung saan ay nawalan na umano sila ng tiwala sa Dingalan Community Hospital dahil sa kakulangan ng pasilidad, libreng gamot at iba pang pangangailangan ng mga pasyente.

Ayon sa ilang mga naninirahan sa lugar, may ilang pasyente ang malulubha at may mga seryosong karamdaman ang hindi nakakayanang gamutin sa nasabing pagamutan bunga ng kakulangan ng pasilidad at iba pang kagamitan.

Para sa mahihirap na mga residente sa Dingalan, ang naturang pagamutan ang kanilang inaasahan na kakalinga sa kanilang kalusugan at takbuhan ng mamamayang hikahos sa buhay subalit taliwas ito sa kasalukuyang nangyayari.

Maging si Dingalan Vice Mayor Edgar Liu ay nakisimpatiya rin sa katatayuan ng naturang pagamutan.

Aniya, hindi niya maintindihan kung bakit hindi mabigyan ng solusyon ang mga kakulangan sa pondo ng pagamutan samantalang ito ay malaon ng suliranin.

Ang pamahalaang panlalawigan ang dapat umanong tumugon sa nasabing mga problema pero walang makitang aksyon ang Provincial Health Office (PHO) para sa kapakinabangan ng taumbayan. (Nelvie Broncate)