Media, winalang kwenta ng isang biyahero ng kahoy

by Bagong Aurora Website ng Bayan
BALER, Aurora, April 30, 2012-Minaliit at winalang kwenta ng isang biyahero ng kahoy ang propesyong pamamahayag ng komprontahin nito noong Lunes ang reporter ng GMA Network na si Ronald Leander habang nagkokober sa isang anti-illegal logging operation ng mga otoridad sa Brgy. San Jose, San Luis, Aurora.
 
Sa kwento ni Leander, kinompronta siya ng nagpakilalang Danny Gonzales ng Cabanatuan City ng hanapin niya ang may-ari ng ng libo-libong board feet ng mga kahoy habang ikinakarga sa trak.
 
“Galit na galit siya sa akin habang kumukuha ako ng video at picture, sino daw ba ako, wala daw kwenta ang ginagawa ko, ipahuli ko raw siya kung kaya ko,” kwento ni Leander .
 
“Kahit may malaking nakasulat na GMA yung suot kong damit, nagpakilala pa rin ako na reporter at sabi nya, walang media media sa akin, media ka lang, wala kayong kwenta, wala kang pakialam at karapatan dito, DENR lang ang pwedeng makiaalam dito, sabi nung nagpakilalang Danny Gonzales,” patuloy ni Leander.
 
Sinabi pa ni Leander na sobra diumanong yabang at napaka-arogante ni Gonzales at ipinagmamalaki ang ENRO at CENRO ng Palanan, Isabela na sinasabing nagbigay ng papel sa ibinibiyahe nitong kahoy.
 
“Pano ka ba namang hindi mayayabangan e sabi nya, walang sinuman ang pwedeng humuli sa kanya dahil legal daw siya at ang sinuman na humuli sa kanya ay pasasakitin nya ang ulo,” dagdag ni Leander.
 
Nauna rito, nakatanggap ng mga sumbong sa pamamagitan ng mga text messages si Leander buhat sa mga concern citizen na may iluluwas na kahoy lulan ng isang trak noong Linggo ng hatinggabi na agad naman nitong ipinagbigay alam sa mga otoridad.
 
Sa pagtugaygay na isinagawa ng mga otoridad, nakita ang mga kahoy na nakatambak sa isang bakanteng lote malapit sa Brgy. Hall ng San Jose sa San Luis, Aurora.
 
Ikinadismaya ng mga kagawad ng San Luis Municipal Police Office at mga tauhan ng Department of Environment and Natural Resources ang kanilang nakita at nasambit pa ng isang pulis na rumesponde na “sobra naman kapal ng tumira nito” at saka nagimbestiga.
 
Sa imbestigasyon ng mga otoridad, galing pa ng Palanan, Isabela sakay ng isang bangka ang mga kahoy at dadalhin sa Cabanatuan City.
 
Matapos dumuong sa pantalan ng Baler, isinakay ang mga kahoy sa isang trak pero ibinababa rin pagdating sa San Luis dahil nagdalawang isip at natakot diumano ang may-ari at driver ng trak sa posibleng gusot na maaari nilang kaharapin ng malamang ikinokober ng media.
 
Sa pagbusisi ng mga tauhan ng DENR, napag-alaman na “Gmelina” ang naturang mga kahoy at pagmamay-ari ng isang Alberto Gonzales ng Palanan, Isabela at ibiniyahe lamang ni Danny Gonzales.
 
Matapos ang halos maghapong komprontasyon at pagsisiyasat na isinagawa ng mga otoridad, hinayaan na itong isakay sa ibang trak bagay na ipinagtaka at ikinadismaya ng mga taong nakakita sa mga kahoy. (Central Luzon Media Association Reportorial Team)

Disclaimer: The comments uploaded on this website do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of "Bagong Aurora Website ng Bayan". All feedbacks sent to the site and all articles submitted to it are considered property of Bagong Aurora Website ng Bayan. Such feedback may be posted on the site or used in other mediums. If you wish to reproduce, republish, upload, post, transmit, modify, distribute or publicly perform or display material from this site, you must first obtain written permission from Bagong Aurora Website ng Bayan through its Publisher and/or Editor in Chief for reprinting and syndication costs and agreements. You may view and download material from this site for your personal, non-commercial home use only. The Bagong Aurora Website ng Bayan Columnist/s opinionated in this site redound to his/her own perspective only and not the whole group. Only the columnist/s are held liable in his own opinion for whatever he would like to emphasize. (Bagong Aurora Website ng Bayan, Editor-in-Chief )