Mga katutubo sa Aurora, kinalinga ng UP

by Bagong Aurora Website ng Bayan

Tinitingnan ng nurse ang blood pressure ng isang katutubong Ilongot ng magdaos ng medical at dental mission sa Brgy. Bayanihan, Maria Aurora, Aurora noong Linggo ang Industrial Pharmacy Honor Society ng University of the Philippine-Manila College of Pharmacy at ng Ugnayan ng Pahinungod ng Manila sa pakikipagtulungan ng Genesis, Cathay, YSS Drugs at opisina ni Senador Edgardo J. Angara at ilang mga doktor ng lalawigan.(Ronald Madrid Leander)

BALER, Aurora, April 22, 2012-Tumanggap ng mga serbisyong medical at dental noong Linggo ang mga katutubong Ilongot sa mga barangay ng Bayanihan at Kadayakan sa bayan ng Maria Aurora, Aurora na ipinagkaloob ng Industrial Pharmacy Honor Society ng University of the Philippine-Manila College of Pharmacy at ng Ugnayan ng Pahinungod ng Manila sa pakikipagtulungan Genesis, Cathay, YSS Drugs at ng ipinagmamalaki ng Aurora na si Senador Edgardo J. Angara at ilang mga doktor ng lalawigan.

 
Maliban sa naturang mga serbisyo at mga minor surgeries, nagkaloob rin ang grupo ng mga gamot at tinuruan ang mga katutubo ng tamang paggamit ng mga halamang gamot na makikita sa kanilang lugar bilang alternatibo sa mga nabibili sa botika.
 
Sa panayam sa chairperson ng organisasyon na si Stalin Mirasol, taun-taon diumano nila ginagawa ang ganitong gawain bilang bahagi ng kanilang community service at pagtalima sa prinsipyo ng kanilang samahan na academic excellence, community service at social awareness.
 
“Isa po ang medical at dental mission sa mga paraan para ma-fulfill namin yung community service and aside from medical mission, marami pa kaming mga outreach program,” pahayag ni Mirasol.
 

Binubunutan ng ngipin ang isang katutubong Ilongot ng magdaos ng medical at dental mission sa Brgy. Bayanihan, Maria Aurora, Aurora noong Linggo ang Industrial Pharmacy Honor Society ng University of the Philippine-Manila College of Pharmacy at ng Ugnayan ng Pahinungod ng Manila sa pakikipagtulungan ng Genesis, Cathay, YSS Drugs, 48 IB at opisina ni Senador Edgardo J. Angara at ilang mga doktor ng lalawigan. (Ronald Madrid Leander)

“Napili namin ang  Aurora dahil sa paghahanap ng samahan ng mga bagong lugar na maseserbisyuhan na may mga indigenous people na hindi laging natitingnan ang kanilang kalusugan,” dagdag nito

 
Lupos naman ang pasasalamat ng mga Ilongot sa serbisyong ibinigay sa kanila ng UP. “Natutuwa kami at nagpapasalamat dahil nakarating dito ang medical mission ng UP at malaking tulong ito sa aming kalusugan at isa ito sa mga inaasahan naming programa ng pamahalaan para sa amin,” pahayag ni Provincial Chieftain Romeo Cawad na  siya ring provincial consultative body chairman ng mga katutubo sa probinsya.
 
Kasabay ng gawaing ito ng UP, nagsagawa naman ng “Operation Tuli” sa Aurora Memorial Hospital ang Batch ‘86 ng  Mount Carmel College at Philippine Institute of Civil Engineers-Aurora Chapter.
 
Mahigit 150 kabataan buhat sa apat na bayan ng  Gitnang Aurora ang nabiyayaan ng kanilang kawang-gawa na tumagal ng dalawang araw.
 
Ayon kay Geraldine Pujeda-Dorado, isa sa miyembro ng Batch ’86, marami pa raw sanang mabibiyaan ng kanilang operation tuli dahil marami pa ang nasa waiting list pero kinapos na sila ng gamot dahil sa hindi nila inaasahang pagdagsa ng mga batang magpapatuli.
 
Maliban sa operation tuli, nakatakda ring pakainin ng grupo ang mga estudyante sa Grades 1 at 2 sa mapipili nilang eskwelahan bilang bahagi ng kanilang outreach program na bunga umano ng kanilang matagumpay na silver anniversary noong nakaraang taon. (Ronald Madrid Leander)

Disclaimer: The comments uploaded on this website do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of "Bagong Aurora Website ng Bayan". All feedbacks sent to the site and all articles submitted to it are considered property of Bagong Aurora Website ng Bayan. Such feedback may be posted on the site or used in other mediums. If you wish to reproduce, republish, upload, post, transmit, modify, distribute or publicly perform or display material from this site, you must first obtain written permission from Bagong Aurora Website ng Bayan through its Publisher and/or Editor in Chief for reprinting and syndication costs and agreements. You may view and download material from this site for your personal, non-commercial home use only. The Bagong Aurora Website ng Bayan Columnist/s opinionated in this site redound to his/her own perspective only and not the whole group. Only the columnist/s are held liable in his own opinion for whatever he would like to emphasize. (Bagong Aurora Website ng Bayan, Editor-in-Chief )